baligtad na mundo
Matagal na panahon na nang ako’y huling nakadalaw sa dati kong paaralan, ang aking unang Alma Mater. Nitong mga nakaraang araw, nagkaroon ako ng pagkakataong bumalik, hindi sa paaralan mismo, kundi sa paligid-ligid lamang. Hindi ko maipaliwanag ang naradamdam ko nang muli kong masilayan ang lugar na kinalakihan ko. Para kasing walang nagbago. Walang pag-asenso, kumbaga. Siguro dapat akong malungkot dahil ito ang naghubog sa akin, ang naging pangunang pundasyon ng kung ano ako ngayon Nalungkot ako dahil kung hindi pinagsikapan ng aming mga magulang na mailipat kami sa mas magandang paaralan, malamang ay hindi na rin ako nagkaroon ng pagbabago sa aking sarili.
Subalit, natuwa (maaaring natawa) at namangha din naman ako dahil hindi ko akalaing hindi halata ang naging pagusad (kung meron man) ng buhay dito sa bayang kinalakihan ko. Mas lalong nakakatawa dahil ang mga estudyante sa dati kong paaralan ay pareho pa din ng patakaran sa buhay.
Oras nang uwian ng ako’y mapadpad sa pinakabayan. Nagkaroon ako ng pagkakataon na obserbahan ang mga estudyanteng pauwi sa kani-kanilang bahay. Ganun pa din naman: naglalakad sila palayo sa destinasyon, at sinasalubong ang mga dyip. Para abutang maluwag pa ang mga sasakyan, imbes na maghantay na lamang sa labasan ng paaralan. Ay baka nasasayangan sa oras na ginagamit sa paghihintay? Ewan ko kung sino ang nagpasimula ng ganitong sistema pero matagal na itong ginagawa (kahit ang mga galing sa simbahan, ganito din ang ginagawa lalo na kapag linggo). Sa opinyon ko, oo at sayang ang oras na ginugugol sa pagaantay ngunit sayang din naman ang oras na binubuhos sa paglalakad palayo sa destinasyon. Hindi ba at mas lohikal na maglakad papalapit sa kung saan man patungo? Bakit kailangan pang lumayo? Maganda din naman dahil sa bukod sa maaga nang makakarating sa bahay, nakapagehersisyo pa. Ideya lang naman ang sa akin.
Eto na. Nang makasakay ako ng dyip pauwi, may isang estudyante na handa nang magbayad. Ngunit nang umandar ng konti ang sasakyan, at nang makita ng estudyanteng ito na sasakay din ang isa sa kanyang mga guro, nagmamadali siyang kumuha ng baryang pandadag sa kanyang bayad. Naisip niyang ilibre si titser. Pag-upo pa lang ni titser, presto, bayad na siya! Napakunot-nuo ako. Bakit kailangang ipagbayad ng estudyante ang kanyang guro? Nagpapalakas? Nagpapaimpres? Nagyayabang? Hah? Teka, naguluhan ako, eh sino sa kanilang dalawa ang may trabaho? Bigla akong naawa sa magulang ng estudyante dahil sila ang naghihirap para mabigyan ng baong pera ang anak pero hindi nila aakalain sigurong malakas ang loob ng kanilang anak na “maglustay” ng konting barya. At si titser, ngumiti, nagpasalamat, at hindi nakuhang mag-oper man lang ng kanyang bayad. Ako ang nahiya para kay titser. Walang delicadeza (nakow, pasensya sa ginamit kong salita!). Ayaw niya siguro mapahiya ang butihing estudyante, pero mas nakakahiya naman yata para sa lahat ng kasama namin sa dyip na hinayaan ni titser na ipagbayad siya gayung di hamak na kaya naman niyang ipagbayad ang sarili dahil siya ang may hanap-buhay, hindi ba?
Ewan ko ba. Madalas kong sinasabing mahina talaga ang asenso ng Pilipinas. Sabihin nang negatibo ako mag-isip. Pero hindi ba at nakakabahalang mga bata pa lamang ang naobserbahan ko. Ang mga pag-asa ng bayan na sinasabi…sila mismo tumutulad sa matatanda. Tsk, tsk.
2 Comments:
hahaha e tin ako nga nilibre ng mga students ko sa EK, all-expense paid pati food at transpo hahaha! farewell nila sa kin. e malaki pa allowance ng mga coñito kong kids kesa sweldo ko noon e.
eh iyun okay lang yun kase may dahilan, you were leaving..pero yung libre pamasahe, duh?! para saan?! hehehe
Post a Comment
<< Home