Thursday, February 16, 2006

ngayon lang...

Sa tanang buhay ko...ngayon lang. Sa 27 taong binuhay ko sa mundong ito, hindi ko inakalang may mangyayari sa aming ganun. Totoo nga pala na wala nang lugar sa Pilipinas na masasabing secured ang isang tao. Kahit sa sarili mong bahay.

Kahapon, nakatanggap ako ng tawag mula sa aking LBB mga bandang 4:30 ng hapon. Kinabahan ako agad dahil hindi naman siya sa akin tumatawag nang mga ganung oras. Madalas sa gabi niya ako kinokontak para magbilin ng mga kailangan niya. Ang una niyang sinabi, "Ate, nakapagpapasok si S ng lalaki sa bahay." Napasigaw ako. Napatalon sa inis. Salamat na lang at magkasama kami ni Dad sa Bulacan. Kung hindi'y hindi ko talaga alam ang gagawin ko. Umiyak ako. Nagalit. Napasagsag kami sa apartment. Pinauna ko na lang muna umuwi si Ry dahil malapit lang naman siya dun.

Ang Daddy habang nagmamaneho, masakit ang batok pero tahimik na lang kami...kausap ang mga kapamilya maya't maya. Sa isip ko , "This is the worst yet. Tragedy talaga."

Pagdating dun, tahimik bukod sa iyak ni S. Katakut-takot na sermon at galit ang inabot niya kay Ry. Naka-lock ang kwarto ko at ni Ry. Una naming pinasok ang kuwarto ni Ry. Walang nagbago, kung paano niya iniwan kahapon ng umaga. Napansin lang ni Ry na nawawala ang PSP nilang magkapatid pati ang konting cash sa drawer pangbayad ng bill. Pagbukas namin ng pinto sa kuwarto ko. Doon na. Para kaming binuhusan ng tubig na malamig. Buong mundo na yata ang dumagan sa mga dibdib namin. Sira ang kabinet ko. Pinilit tanggalin ang lock. Nakakalat na sa sahig ang isang pinto ng kabinet.

Nakuha ang lahat ng alahas ko. Mga alahas na unti unting naipon simula nung nasa elementary pa ako. Nakuha ang perang halos 2 taon naming inipon para sa kasal. Nakuha ang perang pambayad namin sa mga utang.

Naireport na sa baranggay at pulis. Pang-apat na kami sa lugar na iyon na nabiktima ng parehong modus operandi. Niloloko ang kasambahay, sinasabing kamag-anak, at alam ang mga pangalan ng nakatira sa bahay. Ang kaso, wala pa daw nahuhuli sa kasong salisi. Tsk.

Hanggang ngayon, nanlulumo pa rin ako. Sadyang hindi ko na nga maibabalik ang mga pangyayari. Sa ngayon, back to square one ulit kami. Kagabi, masaya na rin ako dahil walang nasaktan. At dahil naramdaman kong kahit minsan magulo ang aming pamilya, iisa pa rin kami. Kami-kami ang nagdadamayan. Nakukuha na naming tumawa bago kami naghiwahiwalay kagabi. Masuwerte pa rin kami.


0 Comments:

Post a Comment

<< Home

Credits:

Avatar by Cuz Marc
Banner Pix by Mhel
Paper from Playa kit by Robin Cabana
of Digital Freebies